Kung hindi babawasan ni Katrina Halili ang workload niya sa showbiz, hindi malayong bumigay ang katawan nito at maratay sa ospital.
Sa presscon ng bago niyang show sa GMA-7, ang Obra—na mapapanood simula ngayong August 14 pagkatapos ng Telebabad block—halatang may iniindang karamdaman ang aktres. Bukod sa mapungay niyang mga mata, tanda ng kakulangan sa pahinga, kapansin-pansin ang kanyang pamamaos. Namamaga rin ang talukap ng mga mata ni Katrina, dulot yata ng allergy.
Idinadaan na lang sa biro ng aktres ang pamamaos na nakuha raw niya dahil sa kanyang pagkanta sa karaoke. Pero inamin din nitong dala ito ng puyat at sunud-sunod niyang mga trabaho.
"Kasi po mula sa taping ng Magdusa Ka, nag-taping naman ako ng Obra," simula niyang pagtatapat sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Etong pamamaga ng mata ko, sobrang pag-iyak na po ito. Dalawang linggo akong iyak nang iyak sa set.
"From Magdusa Ka na iyakan, iyakan din yung taping namin sa Obra. Pero feel na feel ko naman po yung role ko na sopistakada sa Obra," nakangiting kuwento ni Katrina.
Hindi lang mga kaibigan ni Katrina ang nangangamba sa madalas na pagkakasakit niya, kundi pati na rin ang pamilya ng aktres. Naisalaysay ni Katrina sa PEP na pinagagalitan na siya ng kanyang mommy sa walang pahinga niyang pagtatrabaho.
"Hindi po talaga ako nagpapahinga, e. Nagagalit na nga sa akin sa bahay. Sabi nga po, 'Sige, di ka na nagpapahinga. Nakakaipon ka nga, pero pagtanda mo naman, 'yang mga inipon mo, gagastusin mo rin 'yan sa pagpapagamot sa iyo,'" lahad ni Katrina.
Isa raw sa pinaglalaanan ni Katrina ng kanyang mga kinikita ay ang ipinapagawang bahay sa Palawan. Nabanggit niyang 'pag ayaw na niyang mag-artista, sa Palawan na niya gustong manirahan.
Ngumiti lang si Katrina bilang pag-iwas na mag-comment nang matanong siya sa isyung nabili na nito ang katabing lote sa Palawan din na pag-aari ng kapwa niya StarStruck Avengers.
"Naku, ayaw ko nang magsalita diyan!" sabi niya.
Isa raw sa mga rason ng walang kapagurang pagte-taping ni Katrina ay ayaw niyang tanggihan ang GMA-7 sa mga ibinibigay na projects sa kanya.
"Gusto ko lang pong linawin na wala akong anak na nasa ospital o nanay na may sakit kaya ako subsob sa trabaho. Minsan lang kasing dumating yung ganitong opportunity sa akin na ibinigay ng GMA, hindi ko naman pong gustong tanggihan kasi baka naman magtampo sila," paliwanag niya.
May sabi-sabing gusto lang ni Katrina na tapatan ang kasipagan ni Marian Rivera at pantayan ang kasikatan nito, kaya gusto niyang maging laman ng telebisyon palagi.
"Naku, ayoko na po ng isyung ganyan! Okay po kami ni Marian, magkaibigan po kami. Lahat naman po gustong magtrabaho, magkaroon ng ganitong opportunity. Trabaho lang po talaga, wala nang iba," giit niya.
No comments:
Post a Comment