Tila maghihintay pa nang matagal ang fans ni Katrina Halili na muli siyang makitang nang-aapi ng mga bida dahil nag-eenjoy raw ang aktres sa pagiging leading lady.
Si Katrina ang unang Kapuso stars na napili na itampok sa bagong drama anthology ng GMA Network na "Obra." Dito ay mga kilala at batikang direktor ang makakasama ng mga Kapuso stars tulad nina Direk Joel Lamangan, Mario J Delos Reyes, Jun Lana at Bibeth Orteza.
Sa ulat ng Chika Minute portion ng 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Katrina na lead star ng "Magdusa Ka," na sa ngayon ay nag-eenjoy siya sa pagiging bida.
"Sa ngayon kasi 'pag hindi ako mag-stop ng kakatanggap ng kontrabida puro ganun yun ibibigay sa akin. E gusto ko ma-challenge naman…gusto ko ng acting…gusto ko ng drama…gusto ko ng iba-iba. Ayoko ko na lagi namang maldita," sambit ng aktres.
Labis din ang pasasalamat ni Katrina sa GMA Network dahil siya ang napiling unang lumabas sa bagong project na "Obra."
"Panibagong challenge for me at saka maraming salamat sa GMA 7 na ako yun pinagkatiwalaan nila na mag-pilot ng 'Obra," pahayag niya.
Sa ganda ng takbo ng career ni Katrina ngayon, mayroon pa raw siyang isang request at ito ay ang makasama sa proyekto si Robin Padilla.
"Siyempre Robin Padilla po yun… so ibang level naman," ayon kay Katrina. "Parang halos lahat ng lalaki sa GMA 7 nakatrabaho ko na so gusto ko naman i-try si Mr Robin Padilla."

No comments:
Post a Comment